Chapter 5
Chapter 5
"NAGISING na po ang pasyente. And he's out of danger now." Property © 2024 N0(v)elDrama.Org.
Parang may mabigat na bagay na natanggal sa pagkakadagan sa dibdib ni Christmas nang marinig
ang ibinalita ng doctor na tumitingin kay Seth, ang guwardiyang nadamay sa panggugulo ni Marcus sa
sementeryo isang linggo na ang nakararaan.
Kaagad siyang nagpasalamat sa doktor at lumapit sa nakasarang pinto ng kwarto. Dahan-dahan niya
iyong binuksan. Tumambad sa kanya si Lola Matilda at si Jasmin, ang pitong taong gulang na bunsong
kapatid ni Seth, na tila papalabas naman nang mga sandaling iyon. Sa ilang araw na pagdalaw-dalaw
niya roon ay napag-alaman niyang ang dalawa na lang ang natitirang kamag-anak ni Seth dahil tulad
niya ay ulila na rin sa mga magulang ang beinte-otso anyos na guwardiya.
"Magandang araw po," alanganing bati ni Christmas. Kahit pa alam niyang mabait ang halos setenta
anyos nang si Lola Matilda ay nahihiya pa rin siya. Kung hindi dahil sa kanya ay hindi masasangkot
ang apo ng matanda sa gulo. Hindi siya nakarinig ng panunumbat. Pero pakiramdam ni Christmas ay
kulang pa rin ang ginawa niyang pagsagot sa mga gastusin ng binata sa ospital lalo na nang malaman
niyang ito lang ang kumakayod para sa abuela at kapatid nito.
Kahit ilang beses mang mag-alok si Christmas ng tulong pinansiyal kay Lola Matilda ay matigas ang
matanda sa pagtanggi dahil may naitatabi pa naman daw ito na pera. Sapat na raw ang mga naitulong
niya. Frustrated na napabuntong-hininga siya. Mabuti na lang at hindi tinantanan ng kanyang Kuya
Jethro si Marcus hangga't hindi nakababalik ang lalaki sa Spain. Sa kasalukuyan ay nakakulong na si
Marcus sa patong-patong na kaso na ginawa sa kanya kasama na ang ibang mga kasong tinakbuhan
nito sa Spain noong gumagamit pa ito ng droga.
"Tamang-tama ang pagdating mo, hija," nakangiting wika ni Lola Matilda. "Maari bang ikaw na muna
ang magbantay sa apo ko? Uuwi na muna sana kami ni Jasmin para magpalit ng damit pagkatapos ay
ihahatid ko na siya sa eskwelahan."
Gumanti ng ngiti si Christmas. "Kung gusto n'yo ho, sasamahan ko na kayo."
Ikinumpas ng matanda ang mga kamay. "Huwag na, dumito ka na lang. Kaya ko pa naman. Tutal
naman ay bumalik na sa pagtulog si Seth. Babalik rin kaagad ako."
Wala nang nagawang tumango na lang si Christmas. Tuluyan na siyang pumasok sa loob ng kwarto
nang magpaalam na ang dalawa. Humila siya ng stool, itinabi iyon sa kama, at umupo. Pinagmasdan
niya ang anyo ng natutulog na lalaki. Ngayon lang niya na-realize na may itsura pala si Seth.
Masasabi niyang napakaamo ng mukha ni Seth kahit pa hindi niya mailarawan ang mga mata nito.
Makakapal ang mga kilay nito at mayroong mahahabang pilik. Katamtaman ang tangos ng ilong at
natural na mapupula ang mga labing tila pagmamay-ari ng isang babae. Sa kabuuan ay bumagay sa
hugis-pusong mukha ni Seth ang clean cut na buhok.
Sa nakalipas na mga araw ay sandali lang siya kung bumisita roon kaya hindi na niya nabistahang
mabuti ang anyo ni Seth. Halos sinakop na kasi ng restaurant construction at ni Throne ang buong
oras niya. Gabi-gabi sila kung magkita ni Throne sa Brylle's. Sinusundo siya ng binata pagkatapos ay
lalabas sila para kumain.
Sumilay ang magiliw na ngiti sa mga labi ni Christmas nang maalala ang pagyayaya ni Throne minsan
na bumalik sila sa park para kumain ng fish ball. May mga pagkakataon namang ginugulat siya ng
binata sa pagsulpot-sulpot nito sa Pasay kung saan niya ipinatatayo ang kanyang restaurant, tutulong
doon pagkatapos ay sabay silang manananghalian o kaya ay mamamasyal. And during those
moments, Rodrigo kept his promise. Madalas ay tahimik lang na nagbabantay sa kanila ang lalaki.
Being with Throne was like being on a roller coaster ride. Kinikilig si Christmas sa bawat pagkakataong
nakikita niya ito. Nalulula siya sa mga emosyong nararamdaman kapag kasama niya na ito at
nagugulat sa mga sensasyong kanyang nararamdaman tuwing hahalikan na siya nito.
Napatuwid ng upo si Christmas nang makarinig ng malakas na pagtikhim. Pagtingin niya sa kama ay
gising na pala ang binabantayan at para bang amused na nakatingin sa kanya. Agad siyang napatayo,
lihim na kinastigo ang sarili sa kanyang pagde-daydream.
"H-hello. Nagtataka ka siguro kung sino ako. Ako si-"
"Christmas Llaneras," nakangiting sansala ni Seth. "Tama nga ang sinabi ni Lola. Maganda nga ang
anghel ko." Nagpumilit na bumangon ang binata at inilahad ang kamay sa kanya. "Seth del Rosario."
Nag-alinlangan siya sa posibleng maging reaksiyon ni Seth kapag nalaman nito ang koneksiyon niya
kay Marcus. Nang siguro ay mapansin iyon ng binata ay lumapad ang pagkakangiti nito. "'Wag kang
mag-alala. Nabanggit na ni Lola ang nangyari nang magising ako kagabi. Hindi naman kita sinisisi.
Masyado akong masayang nagising ako para magtanim pa ng galit sa kahit na sino."
Saka pa lang nakahinga nang maluwag si Christmas. Inabot niya ang palad ng binata. "Christmas
Llaneras, as you already know. At mali ang lola mo, hindi ako anghel." Napapangiti na ring sinabi niya.
"Although tama siya nang sinabi niyang maganda ako."
Nagkatawanan sila.
NAPAHINTO sa paghakbang si Throne papunta sa kwarto ni Cassandra sa ospital nang mapuna ang
nakaupong pigura ng isang babae sa labas malapit sa kwarto ng kapatid. Kumabog ang dibdib niya
nang dahan-dahang iangat ng babae ang mukha at iharap sa kanyang direksiyon nang marahil ay
maramdaman ang kanyang presensiya.
Mariing ikinuyom ni Throne ang mga kamay para pigilan ang sariling lapitan ang babae na ngayon lang
uli nagpakita sa kanya pagkalipas ng tatlong taon. Ang huli ay noong nakituloy ito sa bahay nila ng
kanyang kapatid pagkatapos makipaghiwalay sa ka-live-in nito. Kahit na hindi sila sang-ayon ni
Cassandra ay wala silang nagawa dahil utang pa rin nila ang buhay sa babae kahit paano. Isang linggo
itong nanatili sa kanila pagkatapos ay muling umalis at hindi na nagpakita pa. Mapait siyang napangiti.
Lulubog-lilitaw talaga sa buhay nilang magkapatid ang ina.
Sa isang iglap ay nakatayo na ang kanyang ina sa harap niya. Galit ang mababanaag sa abuhing mga
mata nito na hindi niya ikinatutuwang minana niya. "Bakit hindi mo man lang sinabi sa 'kin ang nangyari
kay Cassandra? You know my contact number! Kung hindi ko pa aksidenteng nakita si Brylle sa airport
kahapon, hindi ko pa malalaman! How dare you!"
Damn it, Brylle, naibulong ni Throne bago umangat ang isang sulok ng kanyang mga labi. "Talaga?
Hindi ko nabanggit sa inyo? Then it must be none of your business." Mabilis ang naging pag-igkas ng
palad ng ina sa kanyang kaliwang pisngi kung kaya hindi na iyon nagawang pigilan pa ni Throne. Pero
hindi niya iyon ininda. No amount of physical pain could compare to the emotional torture he and
Cassandra experienced from her.
"I'm still your mother, Throne! I still deserve some respect!"
His jaw clenched. Leaving them was one thing, forgetting about their existence was another. But
claiming to be their mother, after so many awful years? Heck, that was too much.
"Nagugulat ako at sa 'yo pa talaga nanggagaling ang mga salitang 'yan," punong-puno ng sarkasmong
sagot ni Throne. "Look, I'm just gonna leave for a while, Lara. Pagbalik ko, umaasa akong wala ka na
rito. If you're really that concerned about Cassandra, then do what you do best; go and evaporate once
more... Mother." Marahas siyang napabuga ng hangin para pigilan ang emosyong ilang taon nang
nakatago sa isang sulok na bahagi ng kanyang puso.
"Cassandra and I will survive this, believe me. Just like how we survived the last freaking years without
you and your ex-husband." Nang tumalikod siya ay hindi na niya nakita ang pagdaan ng pagsisisi sa
mga mata ng ina. Walang lingon-likod na dumeretso siya sa kanyang kotse sa parking lot.
Ilang ulit na marahas na napabuga ng hangin si Throne para kalmahin ang sarili pero hindi humupa
ang nanumbalik na pait at sakit sa kanyang puso. Isinandal niya ang pagod na katawan sa upuan at
mariing ipinikit ang mga mata. Sa gitna ng samut-saring nararamdaman ay biglang sumingit sa
kanyang alaala ang mala-manikang anyo ni Christmas.
Mabilis siyang napamulat. At bago pa magbago ang isip ay dinukot na niya ang cell phone sa bulsa ng
pantalon at idinayal ang numero ng dalaga.
"Nasaan ka?" kaagad na bungad niya.
"Nasa ospital. Dinalaw ko si Seth. Bakit-"
"Don't go anywhere. I'll be there." Pinindot na niya ang End button at basta na lang iniitsa ang cell
phone sa dashboard. Agad niyang pinaharurot ang kotse.
MAGKASALIKOP ang mga kamay ni Christmas sa antisipasyon habang hinihintay sa labas ng kwarto
ni Seth ang pagdating ni Throne. Muling nakatulog si Seth pagkatapos ng mahaba-haba ring naging
kwentuhan nila. Bahagya siyang napangiti. Gusto niya ang pagiging positibo ni Seth sa buhay. Alam
niyang kung mabibigyan lang sila ng sapat na pagkakataong mas makilala ang isa't isa ay posibleng
maging matalik pa silang magkaibigan.
"Christmas."
Agad siyang napatayo nang marinig ang pamilyar na baritonong boses ni Throne. Nanibago siya
pagkakita sa itsura ng binata. Wala ang pamilyar na endearment nito sa kanya nang mga oras na iyon,
ni wala rin ang ngiting nakasanayan na niyang makita tuwing sinasalubong siya nito.
Nag-aalalang lumapit siya sa binata. "Throne, ano'ng nangyari? May problema ba?" She was taken
aback by the sudden pain in his gray eyes. "Bakit? May maitutulong-"
"Oh, just shut up," bruskong sagot ni Throne. "I just want to kiss you right now." Nanlaki ang mga mata
ni Christmas nang bigla siyang hapitin nito sa baywang at mariing hinalikan ang kanyang mga labi.
Walang bakas ng pagsuyo ang halik na ibinigay ni Throne sa kanya. It was harsh and it was hurting her
lips. Pero hindi niya itinulak ang binata. Sa halip ay ipinaikot pa niya ang mga braso sa batok nito at
ipinikit ang kanyang mga mata.
Nagpaubaya siya sa pag-asang huhupa rin ang emosyon ni Throne. She had always known that she
had fallen in love with an extraordinary man. Noon pa lang ay tinanggap na niya sa sarili ang
posibilidad na mahihirapan siya sa binata. At alam niyang hindi palaging magiging maganda ang mga
araw nila at marahil ay isa ang araw na iyon doon.
And she would treasure that moment. Because it was the very first time that Throne actually let his
guard down. Nakita niya ang kakaibang bahagi ng pagkatao ng binata sa mga sandaling iyon, kakaiba
sa palaging para bang "man of the world" na asta nito. At that moment, he seemed like a simple man
who could get bruised. And she wanted to be the one to heal him in any way she could.
So, help me, God.